DEBOSYON
MGA BAGONG DISIPLINA
Naging masigasig sila sa pag- aaral ng mga itinuturo ng mga apostol, sa pagtitipon bilang magkakapatid, sa paghahati-hati ng tinapay, at sa pananalangin.
Mga Gawa 2:42
Ang unang iglesya ay malakas at buhay na buhay dahil sa kanilang debosyon sa Diyos.
Dahil sa kagustuhan nilang lumago sa kanilang relasyon sa Diyos, sila ay nagkaroon ng iba’t-ibang disiplina na nagpapakita ng debosyon na ito.
Dalawa sa mga disiplinang ito ay ang pagbabasa ng Bibliya at pagdarasal.
SALITA
Higit pa sa koleksyon ng mga kuwento, tula, at mga sulat, ang Bibliya ay isinulat sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Dapat nating tularan si Job na nagpahalaga sa salita ng Diyos ng higit pa sa pagkain.
“Sinusunod ko ang kanyang mga utos, at iniingatan ko ito sa aking puso. Pinahahalagahan ko ang mga salita niya higit pa sa pang-araw-araw na pagkain.”
Job 23:12
Bago natin tinanggap si Cristo, tayo ay namuhay sa pamantayan ng mundo. Ngayon, tinatanggap natin ang Bibliya bilang ganap na gabay kung ano ang ating paniniwalaan at kung paano tayo mamumuhay.
Ang Salita ng Diyos ang tiyak at lubos na pamantayan sa bawat bahagi ng ating buhay.
Ang sukatan ng ating espirituwal na paglago ay hindi ang ating kaalaman sa mga nakasulat sa Bibliya, kundi kung gaano natin ito sinusunod.
Ang mga laging natututo subalit hindi sumusunod ay nanlilinlang ng kanilang mga sarili.
Huwag lang kayong maging tagapakinig ng salita ng Diyos kundi sundin ninyo ang sinasabi nito. Dahil kung hindi, dinadaya lang ninyo ang inyong sarili.
Santiago 1:22
Ang Bibliya ang susi para sa ating espirituwal na paglago. Ito rin ang tumutulong sa atin upang labanan ang tukso, maging matagumpay sa buhay, at matutunang alamin ang kagustuhan ng Diyos para sa ating mga buhay.
Gaya ng sanggol na bagong panganak, manabik kayo sa dalisay na gatas na espirituwal, upang lumago kayo hanggang makamtan n’yo ang ganap na kaligtasan ngayong naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon.
1 Pedro 2:2,3
Paano mapapanatili ng isang kabataan na maging malinis ang kaniyang buhay? Mamuhay siya ayon sa inyong mga salita. . . . Ang salita n’yo ay iningatan ko sa aking puso upang hindi ako magkasala sa inyo.
Salmo 119:9,11
“Huwag mong kalimutang basahin ang Aklat ng Kautusan. Pag-isipan mo itong mabuti araw at gabi para malaman mo kung paano mo matutupad ang lahat ng nakasulat dito. Sa ganitong paraan uunlad ka at magtatagumpay.”
Josue 1:8
Huwag ninyong tularan ang mga pag-uugali ng mga tao sa mundong ito. Hayaan ninyong baguhin kayo ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong mga isip, para malaman ninyo ang kalooban ng Diyos— kung ano ang mabuti, ganap, at kalugod- lugod sa kanyang paningin.
Mga Taga-Roma 12:2
PANALANGIN
Ang Kristiyanismo ay higit pa sa isang relihiyon. Una sa lahat, ito ay isang relasyon sa Diyos. Ang pundasyon ng kahit na anong relasyon ay pakikipag-usap.
Ang mas maayos na pakikipag-usap ay magbubunga ng mas matatag na relasyon. Nakikipag-usap sa atin ang Diyos sa iba’t-ibang paraan, subalit pangunahin pa rin ang Bibliya.
Tayo ay nakikipag-usap sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin. Natututunan nating makinig sa Kanyang tinig sa tuwing tayo ay magbabasa ng Kanyang Salita.
Siya ay nakikinig sa tuwing tayo ay mananalangin. Tayo ay tumutugon sa Kanya sa pamamagitan ng ating mga kilos. Siya din ay tumutugon sa atin sa pamamagitan ng Kanyang pagkilos.
Si Jesus ang pangunahing halimbawa sa pananalangin. Sa pamamagitan ng pagmamasid sa Kanyang personal na pananalangin, matututunan natin kung paano tayo magkakaroon ng malapit na ugnayan sa ating Diyos Ama.
Minsan ay nanalangin si Jesus sa isang lugar. Pagkatapos niyang manalangin, sinabi sa kanya ng isa sa mga tagasunod niya, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa mga tagasunod niya.”
Lucas 11:1
Sinabi ni Jesus na huwag tayong manalangin gaya ng mga mapag-kunwari at ng mga taong hindi nakakakilala sa Diyos.
“Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tutulad sa ginagawa ng mga pakitang-tao. Mahilig silang manalangin nang nakatayo sa mga sambahan at sa mga kanto ng lansangan para makita ng mga tao. Ang totoo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. . . . At kapag nananalangin kayo, huwag kayong gumamit ng maraming salita na wala namang kabuluhan, tulad ng ginagawa ng mga taong hindi kumikilala sa Diyos. Akala nila sasagutin sila ng Diyos kung mahaba ang kanilang panalangin. Huwag ninyo silang gayahin, dahil alam na ng inyong Ama kung ano ang kailangan ninyo bago pa man ninyo ito hingin sa Kanya.”
Mateo 6:5,7,8
Sinabi ni Jesus na tayo ay manalangin sa Ama, hindi sa ina; sa mga santo, o maging sa mga anghel. Tayo ay dapat manalangin sa pangalan ni Jesus, dahil Siya lamang ang daan patungo sa Ama.
“Sa halip, kung mananalangin kayo, pumasok kayo sa inyong kwarto at isara ang pinto. At saka kayo manalangin sa inyong Ama na hindi nakikita. At ang inyong Ama na nakakakita sa ginagawa ninyo nang lihim ang magbibigay ng gantimpala sa inyo.”
Mateo 6:6
Sapagkat iisa lang ang Diyos at iisa lang ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao. Ito’y walang iba kundi ang taong si Cristo Jesus.
1 Timoteo 2:5
Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakarating sa Ama kung hindi sa pamamagitan ko.”
Juan 14:6
Tinuruan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo na ipanalangin ang kalooban ng Diyos, pantustos sa mga pangangailangan, kapatawaran, tagumpay laban sa mga tukso, at proteksyon laban sa mga plano ng kasamaan.
Kaya manalangin kayo ng katulad nito: “Ama naming nasa langit, sambahin nawa kayo ng mga tao. Nawa’y magsimula na ang inyong paghahari, at masunod ang inyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit. Bigyan n’yo po kami ng aming pagkain sa araw-araw. Patawarin n’yo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkasala sa amin. At huwag n’yo kaming hayaang matukso kundi iligtas n’yo po kami kay Satanas.”
Mateo 6:9-13
Habang ating binabasa at sinusunod ang Salita ng Diyos, at habang tayo at nagdarasal at nagtitiwala sa Kanya, huwag nating kalimutan na sinasagot ng Diyos ang ating mga panalangin.
Ang mas tiyak na panalangin ay makakatanggap ng mas tiyak na tugon mula sa Diyos. Ang dapat lamang ay manalangin ng naaayon sa Kanyang kagustuhan.
Malalalaman natin ang Kanyang kalooban kung tayo ay magbabasa ng Bibliya. Kung ang ating panalangin ay batay sa Kanyang Salita, makasisiguro tayo na ito ay Kanyang sasagutin.
At may kapanatagan tayo sa paglapit natin sa Diyos, dahil naniniwala tayong ibibigay niya sa atin ang anumang hilingin natin na ayon sa kanyang kalooban. At kung alam nating nakikinig sa atin ang Diyos, alam nating tinatanggap na natin ang ating hinihiling sa kanya.
1 Juan 5:14,15
PERSONAL NA PAGSASAPAMUHAY
May nakalaan ka bang oras at lugar para sa araw-araw na pagbabasa ng Bibliya at pananalangin?
Ikaw ba’y bahagi na ng isang Bible study o small group?
Napatawad mo na ba ang lahat ng nagkasala sa iyo?
Simulan mong manalangin para sa iyong pagkain sa araw-araw.