MGA BAGONG RELASYON
Sumagot si Simon Pedro, "Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay." Sinabi ni Jesus sa kanya, "Pinagpala ka ng Diyos, Simon na anak ni Jonas. Sapagkat hindi tao ang nagpahayag sa iyo ng bagay na ito kundi ang aking Amang nasa langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo na ikaw si Pedro, at sa batong ito, itatayo ko ang aking iglesya, at hindi ito malulupig kahit ng kapangyarihan ng kamatayan."
Mateo 16:16-18
Sa pamamagitan ng paghahayag ng Banal na Espiritu, sinabi ni Pedro kung sino ba talaga si Jesus, ang Anak ng Diyos na buhay. Sinabi ni Jesus na ang katotohanang ito ang magiging pundasyong bato kung saan itatatag ang iglesya.
Kanya ring isinalarawan ang uri ng iglesya na Kanyang itatayo, isang matagumpay na iglesya na magwawagi laban sa kaharian ng kadiliman. Ginamit ni Jesus at ni Pablo ang salitang iglesya bilang pagtukoy sa mga mamamayan ng Diyos.
Ang iglesya ay hindi kailanman tumutukoy sa isang gusali. Ang mga sumusunod ay apat na pakinabang na makakamit natin kung tayo ay bahagi ng isang lokal na iglesya.
PAGKAKAIBIGAN
Tunay na mga kaibigan. Lahat ng tao ay nangangailangan nito. Kaunti lamang ang nakakahanap nito. Ang pinakamainam na lugar kung saan tayo makakakita ng totoong kaibigan ay sa iglesya, sa mga mamamayan ng Diyos.
Ang mga tunay na kaibigan ay ang mga naghahangad ng ating kabutihan. Kasama natin sila sa lahat ng hirap at ginhawa. Ang mga tunay na kaibigan ay hindi maglalayo sa atin sa Diyos. Sa halip, tayo’y kanilang isinusulong sa kabanalan.
Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, nagkaroon tayo ng kapatid upang sa kagipitan ay tumulong.
Kawikaan 17:17
May mga pagkakaibigang hindi nagtatagal, ngunit may pagkakaibigan din na higit pa sa magkapatid ang pagsasamahan.
Kawikaan 18:24
PAGSASAMAHAN
Kung ang isang nagbabagang uling ay tatanggalin sa tumpok ng apoy, ito ay manlalamig. Kung ito ay ibabalik sa gitna ng tumpok ng nagbabagang uling, ito ay muling mag-iinit.
Gayundin ang mangyayari sa mga Kristiyano. Kung ang isang Kristiyano ay mawawalay sa mga “nagbabagang” Kristiyano, siya ay “manlalamig” sa kanyang pananampalataya.
Kung ang isang Kristiyano ay mananatiling kaugnay ng iba pang Kristiyano, siya ay mananaliting “nagbabaga” para sa Diyos.
Naging masigasig sila sa pag-aaral ng mga itinuturo ng mga apostol, sa pagtitipon bilang magkakapatid, sa paghahati-hati ng tinapay, at sa pananalangin....Maganda ang pagsasamahan ng mga mananampalataya, at pinag-isa nila ang kanilang mga ari-arian para makabahagi ang lahat. Ipinagbili nila ang kanilang mga lupa at ari-arian, at ang pera’y ipinamahagi nila sa kanilang mga kasama ayon sa pangangailangan ng bawat isa. Araw-araw, nagtitipon sila sa templo at naghahati-hati ng tinapay sa kanilang mga bahay. Lubos ang kagalakan nila sa kanilang pakikibahagi sa pagkain.
Mga Gawa 2:42,44-46
Huwag kayong makiisa sa mga hindi mananampalataya. Sapagkat hindi maaaring magkaisa ang kabutihan at kasamaan, gaya ng liwanag at dilim . . .
2 Corinto 6:14
PAGSAMBA
Naghahanap ang Diyos ng mga tunay na sumasamba. Ang pagsamba ay simpleng paghahayag ng ating pag-ibig, debosyon, at dedikasyon sa Diyos.
“Tandaan mo, darating ang panahon, at narito na nga, na ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan. Ganito ang uri ng mga sumasamba na hinahanap ng Ama. Ang Diyos ay espiritu, kaya ang sumasamba sa kanya ay dapat sumamba sa pamamagitan ng espiritu at katotohanan.”
Juan 4:23,24
PAGDIDISIPULO
Ang huling utos na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod bago Siya umakyat sa langit ay ang pumunta sa lahat ng mga lahi at gawin silang mga tagasunod Niya, bautismuhan sila, at turuan sila kung paano sumunod sa Salita ng Diyos.
Samakatuwid, kailangan muna tayong maging disipulo o tagasunod ni Jesus, bago natin maturuan ang iba kung paano sumunod sa Kanya.
”Kaya puntahan ninyo ang lahat ng mga lahi at gawin silang mga tagasunod ko. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. At tandaan ninyo: lagi ninyo akong kasama hanggang sa katapusan ng mundo.”
Mateo 28:19,20
Ituro mo rin sa mga mapagkakatiwalaang tao, na makakapagturo rin sa iba, ang mga aral na narinig mo sa akin sa harapan ng maraming saksi.
2 Timoteo 2:2
PERSONAL NA PAGSASAPAMUHAY
Ikaw ba ay patuloy na natutulungang maging tagasunod ni Jesus, maging isahan man o kaya ay bilang bahagi ng isang small group?
Ikaw ba ay nagtuturo sa mga tao na maging tagasunod ni Jesus? Sino/sinu-sino ang mga tinuturuan mo?
Ikaw ba ay aktibong kasapi ng isang lokal na simbahan?
Magtala ng pangalan ng tatlong Kristiyanong maaari mong matawagan kung nangangailangan ka ng espirituwal na tulong.