PAGDIDISIPULO

ISANG BAGONG MISYON

Alalahanin ninyo na si Cristo ang dapat ninyong parangalan at sundin. Dapat lagi kayong handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa ninyo.
1 Pedro 3:15

Nang sumasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang lalaking gumaling na isama siya. Pero hindi pumayag si Jesus. Sa halip, sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka sa pamilya mo at sabihin mo sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at kung paano ka niya kinaawaan.
Marcos 5:18,19

Kung ikaw ay isang doktor na nakagawa ng gamot para sa sakit na kanser, hindi mo ba nanaising ipaalam sa lahat ang iyong nagawa? Hawak mo ngayon ang gamot para sa isang bagay na mas malubha pa sa sakit na kanser.

Hawak mo ang solusyon para sa kasalanan. Ang pagtuturo sa mga tao kung paano sumunod kay Jesus ay nagsisimula sa pababahagi ng mabuting balita tungkol sa solusyon ng Diyos para sa kasalanan sa iyong pamilya at mga kaibigan.

Upang maging handa na gawin ito, kailangan nating matutunan kung paano ibahagi ang ating patotoo at ang ebanghelyo. Sa ating paggawa nito, tayo ay makatutulong sa mga tao kung paano maging tagasunod ni Jesus.

PAANO MAGBAHAGI NG IYONG PATOTOO
Sa isang korte, ang isang saksi ay nagsasabi ng “katotohanan, at pawang katotohanan lamang,” tungkol sa kanyang mga nakita, narinig, at naranasan.

Tayo ay tinawag upang maging mga saksi ng Diyos. Dapat nating ibahagi ang katotohanang ginawa Niya para sa atin at sa pamamagitan natin.

Ang pagiging isang saksi ay nangangahulugan na dapat tayong mamuhay sa paraang magpapakita ng kabutihan ng Diyos sa ating mga buhay.

Ang pagiging saksi ay tumutukoy sa kung sino tayo at hindi kung ano ang ginagawa natin. Dapat tayong “maging” mga saksi.

Ang tanging paraan upang tayo ay maging mga saksi ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, na Siyang nagbibigay sa atin ng kakayahan na ipahayag ang ating patotoo at maging ang ebanghelyo.
Ang iyong patotoo ay mahalaga. Ito ay isang personal at hindi matututulang salaysay ng mga ginawa ni Jesus para sa iyo at mga paraan kung paano ka Niya binago.

May tatlong bahagi ang iyong patotoo, na dapat mong matutunang sabihin sa loob ng dalawang minuto:

1. Magbigay ng maikling paglalarawan ng iyong buhay bago mo nakilala si Cristo.
2. Ipaliwanag kung paano ka nakarating sa punto ng pagsuko ng iyong buhay kay Cristo.
3. Malugod mong ilarawan ang iyong buhay ngayong si Jesus na ang iyong Panginoon. Bigyan ng mas mahabang oras ang pagpapaliwanag ng mga pagbabagong nangyari sa iyo simula ng isuko mo ang iyong buhay kay Cristo.

Ngunit natalo na siya ng ating mga kapatid sa pamamagitan ng dugo ng Tupa at ng katotohanang ipinangangaral nila. Hindi sila takot na ialay ang kanilang buhay alang-alang sa kanilang pananampalataya.
Pahayag 12:11

PAANO MAGBAHAGI NG MAGANDANG BALITA
Ang ebanghelyo ay ang kapangyarihan ng Diyos na nagdadala ng kaligtasan sa lahat ng mananampalataya. Ito ang dahilan kung bakit tayo nagpupunta sa iba’t-ibang kultura at komunidad, nagiging mga saksi, at nagbabahagi ng ating mga patotoo.

Hindi ko ikinakahiya ang Magandang Balita tungkol kay Cristo, dahil ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng lahat ng sumasampalataya—una ang mga Judio at gayon din ang mga hindi Judio.
Mga Taga-Roma 1:16

Ibahagi ang ebanghelyo sa iyong pamilya at mga kaibigan gamit ang dalawang talata mula sa Bibliya.

Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa paningin ng Diyos.
Mga Taga-Roma 3:23

Ang lahat ay nagkasala. Ang kasalanan ay bunga ng hindi pagsunod o kaya ay pagmamatigas laban sa Diyos. Sa katunayan, walang sinumang tao ang ganap na nakasunod sa lahat ng ipinag-utos ng Diyos.

Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Mga Taga-Roma 6:23

Dahil sa lahat tayo ay nagkasala, lahat tayo’y dapat makatanggap ng kamatayan at mawalay sa piling ng Diyos. Ang magandang balita ay ibinigay ng Diyos ang kaligtasan bilang isang libreng regalo!

Ang kaligtasang ito ay makakamit sa pamamagitan ni Cristo lamang,dahil Siya y namatay sa krus para sa atin. Matatanggap natin ang regalong ito ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya sa ginawa ni Jesus sa krus.

PAANO GUMAWA NG MGA DISIPULO
Tayo ay gumagawa ng mga disipulo habang ipinapakilala natin si Jesus sa mga tao at tinuturuan silang sumunod sa mga kautusan ng Diyos.

Sinabi ni Pablo kay Timoteo na dapat niyang ipasa ang lahat ng kanyang natutunan sa iba pang tao na siya namang magpapasa ng mga ito sa mas marami pang tao. Ito ang pagdidisipulo.

“Kaya puntahan ninyo ang lahat ng mga lahi at gawin silang mga tagasunod ko. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. At tandaan ninyo: lagi ninyo akong kasama hanggang sa katapusan ng mundo.”
Mateo 28:19,20

Ituro mo rin sa mga mapagkakatiwalaang tao, na makakapagturo rin sa iba, ang mga aral na narinig mo sa akin sa harapan ng maraming saksi.
2 Timoteo 2:2

PERSONAL NA PAGSASABUHAY
Ang buhay mo ba ay isang saksi para sa Diyos?
Ibahagi ang iyong patotoo sa taong kasama mo ngayon, sa loob lamang ng dalawang minuto.
Ipanalangin ang iyong pamilya at mga kaibigan na hindi pa nakarinig ng ebanghelyo. Hingin sa Diyos na bigyan ka ng mga pagkakataon na maibahagi ang Magandang Balita sa kanila.
Humayo ka at gumawa ng mga disipulo!

More from Filipino