PAGSISISI

ISANG BAGONG PATUTUNGUHAN

Sumagot si Pedro sa kanila, "Magsisi ang bawat isa sa inyong mga kasalanan at magpabautismo sa pangalan ni Jesu-Cristo, at mapapatawad ang inyong mga kasalanan at matatanggap ninyo ang regalo ng Diyos na walang iba kundi ang Banal na Espiritu."
Mga Gawa 2:38

Ang pagmamaneho ng isang sasakyan na salungat sa daloy ng trapiko ay kahangalan at isang mapanganib na gawain. Ang iba ay gumagawa nito dahil sa kamangmangan; ang iba naman ay dahil sa pagmamatigas.

Ito ay hindi naiiba sa ating espirituwal na pamumuhay. Dahil man sa kamangmangan o sa pagmamatigas, tayo ay nasa isang mapanganib na daan na magdadala sa atin sa walang-hanggang pagkawalay palayo sa Diyos.

Kung hindi tayo tatalikod pabalik at magsisimulang sumunod kay Cristo, bawat hakbang na ating gagawin ay hakbang sa maling direksyon—papalayo sa Diyos.

PAGSISISI, KALUNGKUTAN, AT ANG BUNGA
Ang tunay na pagsisisi ay nagsisimula kung tayo ay tunay na nagsisisi sa ating mga kasalanan.

Ang “makadiyos na kalungkutan” na ito ay hindi gumagawa ng anumang dahilan, bagkus ay umaako ng responsibilidad, at hindi nanunumbat sa ibang tao, sa lipunan, o sa mga pangyayari sa buhay.

Kinikilala nito na ang ating pagkakasala ay laban sa Diyos. Ang makadiyos na kalungkutang ito ay nagbubunga ng tunay na pagsisisi at pagbabagong buhay.

Sapagkat ang kalungkutan ayon sa kalooban ng Diyos ay nagdadala sa atin sa pagsisisi, at nagdudulot ng kaligtasan. Hindi pinagsisisihan ang ganitong kalungkutan. Ngunit ang kalungkutan ng mga taong makamundo ay nagdadala sa kanila sa kamatayan.
2 Corinto 7:10

Ngunit sa wakas, ipinagtapat ko ang aking mga kasalanan sa inyo; hindi ko na ito itinago pa. Sinabi ko sa sarili ko, “Ipagtatapat ko na ang aking mga kasalanan sa Panginoon.” At pinatawad n’yo ako.
Mga Salmo 32:5

Sa kabilang dako, ang makamundong kalungkutan ay nagbubunga lamang ng pangangatwiran.

Habang ang makadiyos na kalungkutan ay nagdadala ng kabigatan sa puso dahil sa pagkaunawang nasaktan natin ang isang banal na Diyos, ang makamundong kalungkutan naman ay pagsisisi dahil nabunyag ang mali nating ginawa, o kaya ay nagsisisi tayo dahil sa pinagdurusahan natin ang bunga ng ating kasalanan.

Ang kaibahan ng makadiyos at makamundong kalungkutan ay ang bunga ng mga ito. Ang makamundong kalungkutan ay hindi nagbubunga ng pagbabago sa ating buhay; ito ay nagbubunga lamang ng espirituwal na kamatayan.

“. . . dapat silang magsisi sa kanilang kasalanan at lumapit sa Diyos, at ipakita nila sa pamamagitan ng kanilang gawa na sila’y totoong nagsisisi.”
Mga Gawa 26:20

“Kung tunay na nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo ito sa inyong mga gawa.”
Mateo 3:8

PAGSISISI AT KAPATAWARAN
Ang kuwento ng suwail na anak sa Lucas 15:11-24 ay isang magandang larawan ng tunay na pagsisisi. Nakita niya ang kanyang pagkakamali, tinalikuran ito, at bumalik sa kanyang ama.

Tinalikuran niya ang kanyang pagrerebelde at makasalanang paraan ng pamumuhay. Pinatawad siya ng kanyang ama at tinanggap muli bilang anak. Sa parehong paraan, ang ating Ama sa langit ay tapat sa pagpapatawad sa atin kung tayo’y lalapit sa Kanya at magsisisi sa ating mga kasalanan.

19Kaya ngayon, kailangan magsisi na kayo at lumapit
sa Diyos, para patawarin niya ang inyong mga kasalanan, 20at matanggap ninyo ang bagong kalakasan
mula sa Panginoon . . .
Mga Gawa 3:19,20

Naranasan mo na bang magka-mantsa na hindi maalis-alis sa iyong damit? Isipin ang pantanggal ng mantsa na hindi lamang basta magtatanggal ng mantsa kundi gagawing bago ang isang damit.

Ganyan ang mangyayari kung tayo ay magsisisi at tatanggap kay Jesus bilang ating Panginoon at Tagapagligtas. Hindi lamang niya lilinisin ang mantsa ng kasalanan at kahihiyan sa ating mga puso, bibigyan din Niya tayo ng bagong puso.

Ngunit kung ipinagtatapat natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, maaasahan nating papatawarin niya ang ating mga kasalanan at lilinisin tayo sa lahat ng uri ng kasamaan dahil matuwid siya.
1 Juan 1:9

ANG KAHALAGAHAN NG PAGPAPATAWAD SA IBA
Gaya ng pagtanggap natin ng kapatawaran mula sa Diyos, tayo ay inuutusan din ng Diyos na patawarin ang sinumang nagkasala laban sa atin.

21Lumapit si Pedro kay Jesus at nagtanong, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid na laging nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?” 22Sumagot si Jesus, “Hindi lang pitong beses kundi 77 beses.”
Mateo 18:21,22

Kung tayo ay hindi magpapatawad, sinasabi sa Bibliya na tayo ay madudungisan ng ugat ng samaan ng loob, na maghahatid ng kaguluhan.

Ingatan ninyo na walang sinuman sa inyo ang tatalikod sa biyaya ng Diyos. At huwag ninyong hayaang umiral ang samaan ng loob sa inyo at marami ang madamay.
Hebreo 12:15

WALANG PANGHIHINAYANG
Ang pagsisisi ay pagtalikod ng tuluyan sa kasalanan at paglapit sa Diyos. Ito’y nangangahulugan ng pagtigil sa pagtitiwala sa mga mabubuti nating gawa at mga relihiyosong gawain, at pagtitiwala kay Cristo lamang.

Dati tayong naglalakbay sa maling landas; ngayon, tinatahak natin ang tamang landas. Dati tayong tumatakbo papalayo sa Diyos; ngayon, tayo ay namumuhay kasama Siya.

Ang pagsisisi ang simula ng bagong buhay. Inaalis tayo ng pagsisisi mula sa makasariling pamumuhay at inilalagay sa landas na puno ng layunin ng Diyos para sa ating buhay.

Ang paglapit sa Diyos ay nangangahulugan ng walang panghihinayang na pagsunod sa Kanya.

Sapagkat ang kalungkutan ayon sa kalooban ng Diyos ay nagdadala sa atin sa pagsisisi, at nagdudulot ng kaligtasan. Hindi pinagsisihan ang ganitong kalungkutan . . .
2 Corinto 7:10

PERSONAL NA PAGSASAPAMUHAY
Ang buhay mo ba ay may bagong patutunguhan?
May mga kasalanan ba sa iyong buhay na hindi mo pa tinatalikuran at isinusuko sa Diyos?
May mga bahagi ba ng iyong buhay na malakas ang tukso o kaya ay bahagi na alam mong mahina ka at kailangan mo ng panalangin?
May mga kasalanan ba na iyo nang tinalikuran subalit patuloy na bumabagabag sa iyo?

More from Filipino