TAMANG SIMULA

TAMANG SIMULA

Noong 1974-1979, isang aktibong Presbyterian na pastor ng mga kabataan, na ang pangalan ay Ron, ang nagpunta sa mga mataas na paaralan ng Jackson Mississippi. Isa na doon ang paaralan kung saan ako nag-aaral.

Sa mga lugar na ito, buong tapang na inihayag ni Ron ang ebanghelyo sa lahat ng nais makinig, at maging sa mga ayaw makinig sa kanya. Sa paglipas ng panahon, hindi mabilang na dami ng kabataan ang sa unang pagkakataon ay nakarinig at nakaunawa ng plano ng Diyos na kaligtasan.

Daan-daan ang nanilbihan sa Panginoon bilang mga misyonaryo, pastor, o kaya ay youth ministers.

Isa ako sa mga kabataang iyon. Subalit, ang naging tugon ko noong una ay hindi ang magsisi sa aking mga kasalanan, kundi ang tumakbo palayo. Tinakbuhan ko si Ron, ang kanyang mga tagasunod, at ang Diyos.

Tinakbuhan ko sila ng mga anim na buwan. Naging mahirap para sa akin na gawin ito dahil nakikita ko si Ron kung saan-saan. Nanonood siya ng lahat ng laro ng football at basketball.

Nakikita ko siya sa mga koridor ng paaralan, sa cafeteria, at maging sa paradahan ng mga sasakyan. Siya at ang kanyang grupo ng mga tagasunod ay lagi akong inaanyayahang dumalo ng kanilang retreat, Bible study, prayer meeting, o kaya ay mga pagtitipon ng mga kabataan sa kanilang simbahan.

Sa wakas, noong Nobyembre ng taong 1975, tinanggap ko ang mensahe ng ebanghelyo. Nagsisi ako sa aking mga kasalanan at nanampalataya ako kay Cristo.

Mabuti na lamang at hindi dito nagwakas ang lahat. Hindi sapat kay Ron na makita lamang ang mga kabataan na nagsusuko ng kanilang buhay kay Cristo. Gusto niyang sila’y maging mga disipulo ni Jesus.

Isinama niya ako sa kanyang kilalang “action groups,”kung saan linggu-linggong nagtitipon ang mga walong katao. Dito, inaral namin kung paano mamuhay para sa Diyos.

Dahil dito, naniniwala ako sa sistemang “one-to-one,”o personal na pagbabahagi ng ebanghelyo, pagsubaybay, at pagdidisipulo. Si Ron ang nagbahagi ng ebanghelyo sa akin, tinakbuhan ko sya.

Hinabol niya ‘ko. Sa loob ng anim na buwan, hindi siya tumigil sa paghabol sa ‘kin, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Salita ng Diyos at sa pananalangin para sa ‘kin. Iyan ang personal na pagsubaybay.

Matapos kong tanggapin si Cristo, sinimulan ni Ron ang pagdidisipulo sa ‘kin. Isinali niya ‘ko sa kanyang grupo. Tinuruan niya ‘ko kung paano pag-aralan at isapamuhay ang Bibliya.

Tinuruan niya ‘ko kung paano magdasal. Tinuruan niya ‘ko kung paano ibahagi ang aking pananampalataya at kung paano subaybayan ang mga disipulo. Iyan ang personal na pagdidisipulo.

Personal na pagsubaybay at pagdidisipulo. Iyan ang Dakilang Komisyon. Tungkol dito ang munting aklat na ito.

Ang ONE 2 ONE ay isinulat upang magamit sa personal na pagsubaybay at pagdidisipulo. Ito ay isang gabay. Hindi ito makagagawa ng mga disipulo subalit makatutulong ito sa ‘yo sa pagsubaybay mo sa mga disipulo ni Cristo.

At ang pinakamahalaga sa lahat, makatutulong ito upang ang isang bagong disipulo ay magkaroon ng tamang simula.

(Salin mula sa akdang panimula ni Steve Murrell para sa ONE 2 ONE noong 1996 sa Manila, Philippines)

More from Filipino