BAUTISMO

ISANG BAGONG BUHAY

Sumagot si Pedro sa kanila, "Magsisi ang bawat isa sa inyong mga kasalanan at magpabautismo sa pangalan ni Jesu-Cristo, at mapapatawad ang inyong mga kasalanan at matatanggap ninyo ang regalo ng Diyos na walang iba kundi ang Banal na Espiritu. . . ."Marami ang naniwala sa kanyang mensahe at nagpabautismo agad sila. Nang araw na iyon, mga 3,000 tao ang nadagdag sa mga mananampalataya.
Mga Gawa 2:38,41

Nang tanungin ng mga tao si Pedro kung ano ang kailangan nilang gawin bilang tugon sa kanyang pangaral, ito ang kaniyang sagot: magsisi, magpabautismo, at tanggapin ang kaloob ng Banal na Espiritu.

Libu-libong tao ang tumanggap at nadagdag sa samahan ng mga mananampalataya. Ang pagdagdag sa samahan ng lahat ng taong nabautismuhan ang modelong ibinigay sa atin ng Bibliya.

Ang lahat ng nabautismuhang disipulo ay inaasahang maging aktibong kasapi ng isang lokal na samahan.

ANG BAUTISMO SA TUBIG
Sa bautismo sa tubig, ating inihahayag sa madla na naniniwala tayo sa ginawa ni Jesus para sa atin sa krus.
Hindi ito paraan upang tayo ay maligtas, ngunit ito ay isang paghahayag ng ating pananampalataya at pagsunod sa Diyos matapos nating tanggapin ang ebanghelyo.

Ipinakita sa Bibliya ang iba’t-ibang larawan na makakatulong sa atin upang maintindihan ang bautismo sa tubig. Ang isa dito ay ang paglilibing at muling pagkabuhay.

Inihambing ni Pablo ang Kristiyanong bautismo sa isang paglilibing. Upang mailibing, kailangan munang mamatay ang isang tao.

Sa parehong paraan, kailangan muna nating mamatay sa ating mga kasalanan bago makatanggap ng bautismo.

Matapos nating mailibing sa pamamagitan ng bautismo sa tubig, tayo ay aahon nang may bagong buhay.

Ano ngayon ang masasabi natin? Magpapatuloy ba tayo sa kasalanan para lalong madagdagan ang biyaya ng Diyos sa atin? Aba, hindi maaari! Namatay na tayo sa kasalanan, kaya hindi na tayo dapat mamuhay pa rito. Hindi n’yo ba alam na noong binautismuhan tayo kay Jesu-Cristo, nangangahulugan ito na kasama tayo sa kanyang kamatayan? Kaya noong binautismuhan tayo, namatay tayo at inilibing na kasama niya. Kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay mamuhay sa bagong buhay.
Mga Taga-Roma 6:1-4

Ipinapakita sa bautismo sa tubig na ating tinatalikuran ang dati nating paraan ng pamumuhay at sisimulan nating mamuhay na may pagsunod kay Cristo.

ANG BAUTISMO NG BANAL NA ESPIRITU
Hindi natin magagawang mamuhay bilang isang Kristiyano kung tayo’y wala sa piling at kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ipinangako ni Jesus na darating ang Banal na Espiritu upang pamunuan tayo patungo sa katotohanan.

”Pero ang totoo, para sa ikabubuti n’yo ang pag-alis ko, dahil hindi paparito sa inyo ang Tagatulong kung hindi ako aalis. Pero kapag umalis na ako, ipapadala ko siya sa inyo. . . . Pero pagdating ng Banal na Espiritu na siyang tagapagturo ng katotohanan, tutulungan niya kayo para maintindihan ninyo ang lahat lahat ng katotohanan. Ang ituturo niya ay hindi galing sa kanya; sasabihin niya kung ano lang ang narinig niya at ipapahayag din niya sa inyo ang tungkol sa mga bagay na darating.”
Juan 16:7,13

Binibigyan tayo ng Banal na Espiritu ng kakayahan upang maging mabisang mga saksi. Ang isang saksi ay hindi lamang nagsasabi ng katotohanan.

Siya rin ay namumuhay sa katotohanan. Bilang Kanyang mga saksi, tinutulungan tayo ng Banal na Espiritu na gawin ang hindi natin kayang gawin mag-isa— ang buong tapang na ihayag at isapamuhay ang katotohanan tungkol sa Diyos.

“Ngunit pagdating ng Banal na Espiritu sa inyo, bibigyan niya kayo ng kapangyarihan. At ipapahayag ninyo ang mga bagay tungkol sa akin, mula rito sa Jerusalem hanggang sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa buong mundo.”
Mga Gawa 1:8

PAANO MATATANGAP ANG BAUTISMO NG BANAL NA ESPIRITU
Ang bautismo ng Banal na Espiritu ay isang regalong ipinangako para sa bawat mananampalataya, hindi lamang para sa mga nandoon noong Pentecost.

Sa pangaral ni Pedro, sinabi niya kung paano natin matatanggap ang regalo ng Banal na Espiritu.

Sumagot si Pedro sa kanila, "Magsisi ang bawat isa sa inyong mga kasalanan at magpabautismo sa pangalan ni Jesu-Cristo, at mapapatawad ang inyong mga kasalanan at matatanggap ninyo ang regalo ng Diyos na walang iba kundi ang Banal na Espiritu. Sapagkat ang Banal na Espiritung ito ay ipinangako para sa inyo, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng taong nasa malayo—sa lahat na tatawagin ng Panginoon nating Diyos na magsisilapit sa kanya."
Mga Gawa 2:38,39

Upang matanggap ang bautismo ng Banal na Espiritu, kailangan natin itong hingin—at dapat tayo humingi nang may pananampalataya.

“Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa mga anak n’yo, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Banal na Espiritu sa mga humihingi sa kanya.”
Lucas 11:13

Maraming disipulo sa Bagong Tipan ang nakatanggap ng bautismo ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pagpatong ng kamay.

Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa kanila, at natanggap nila ang Banal na Espiritu.
Mga Gawa 8:17

MGA ESPIRITUWAL NA KALOOB
Ang bautismo ng Banal na Espiritu ay may kasamang patunay na mga espirituwal na kaloob. Ayon sa mga nakatala sa Bibliya, ang pinaka-karaniwang katibayan ng bautismo ng Banal na Espiritu ay ang pagsasalita sa iba’t-ibang wika.

Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu, at nakapagsalita ng iba’t-ibang wika na hindi nila natutunan. Ang Banal na Espiritu ang siyang nagbigay sa kanila ng kakayahan makapagsalita ng ganoon.
Mga Gawa 2:4

At nang ipinatong ni Pablo ang kaniyang kamay sa kanila, dumating sa kanila ang Banal na Espiritu. Nakapagsalita sila ng iba’t-ibang wika na hindi nila natutunan, at may mga ipinahayag silang mensahe mula sa Diyos.
Mga Gawa 19:6

NABIGYAN NG KAKAYAHAN NA MAGING SAKSI
Ipinangako ni Jesus na tayo ay Kanyang pupunuin ng Banal na Espiritu upang tayo ay maging mabisang mga saksi. Binibigyan tayo ng Banal na Espiritu ng kakayahan na ipahayag ang ebanghelyo saan man tayo magtungo.

“Ngunit pagdating ng Banal na Espiritu sa inyo, bibigyan niya kayo ng kapangyarihan. At ipapahayag ninyo ang mga bagay tungkol sa akin, mula rito sa Jerusalem hanggang sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa buong mundo.”
Mga Gawa 1:8

PERSONAL NA PAGSASAPAMUHAY
Nagsisi ka na ba sa iyong mga kasalanan?
Ikaw ba ay nagtitiwala kay Cristo lamang para sa iyong kaligtasan?
Nabautismuhan ka na ba sa tubig mula ng ikaw ay magsisi?
Natanggap mo na ba ang bautismo ng Banal na Espiritu? Gusto mo bang maipanalangin upang matanggap mo ang bautismo ng Banal na Espiritu?

More from Filipino