icon__search

Kahirapan (Mapagbigay na mga Kamay)

Week 1

𝗪𝗔𝗥𝗠 𝗨𝗣

• Sino sa paligid mo ang masasabi mong may pangangailangan? Ano ang masasabi mong pangangailangan nila na ibang tao lang ang makakapagbigay?

• Ibahagi ang isang pagkakataong may nagpakita sa iyo ng kabaitan. Ano ang naramdaman mo? Ano ang naging tugon mo dito?

• Sino ang tao na nagkaroon ng positibong impluwensiya sa iyo? Masasabi mo ba na mahalaga ang mga positibong impluwensiya sa buhay ng isang tao? Bakit oo o bakit hindi?


𝗪𝗢𝗥𝗗

“𝘏𝘶𝘸𝘢𝘨 𝘯𝘪𝘯𝘺𝘰𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘭𝘪𝘭𝘪𝘮𝘶𝘵𝘢𝘯 𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘶𝘵𝘰𝘴 𝘯𝘢 𝘪𝘵𝘰 𝘯𝘢 𝘪𝘣𝘪𝘯𝘪𝘨𝘢𝘺 𝘬𝘰 𝘴𝘢 𝘪𝘯𝘺𝘰 𝘯𝘨𝘢𝘺𝘰𝘯. 𝘐𝘵𝘶𝘳𝘰 𝘯𝘪𝘯𝘺𝘰 𝘪𝘵𝘰 𝘴𝘢 𝘪𝘯𝘺𝘰𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘢𝘯𝘢𝘬. 𝘗𝘢𝘨-𝘶𝘴𝘢𝘱𝘢𝘯 𝘯𝘪𝘯𝘺𝘰 𝘪𝘵𝘰 𝘬𝘢𝘱𝘢𝘨 𝘬𝘢𝘺𝘰ʼ𝘺 𝘯𝘢𝘴𝘢 𝘪𝘯𝘺𝘰𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘣𝘢𝘩𝘢𝘺 𝘢𝘵 𝘬𝘢𝘱𝘢𝘨 𝘯𝘢𝘨𝘭𝘢𝘭𝘢𝘬𝘢𝘥, 𝘬𝘢𝘱𝘢𝘨 𝘯𝘢𝘬𝘢𝘩𝘪𝘨𝘢, 𝘢𝘵 𝘬𝘢𝘱𝘢𝘨 𝘣𝘢𝘣𝘢𝘯𝘨𝘰𝘯 𝘬𝘢𝘺𝘰.” 𝗗𝗘𝗨𝗧𝗘𝗥𝗢𝗡𝗢𝗠𝗜𝗢 𝟲:𝟲-𝟳


(Basahin din ang 𝗗𝗘𝗨𝗧𝗘𝗥𝗢𝗡𝗢𝗠𝗜𝗢 𝟭𝟱:𝟲)


Ipinaalala ni Moises sa mga Israelita, ang bayang pinili ng Diyos, na dapat nilang isapuso ang Kanyang mga utos. Dapat nila itong ituro, pag-usapan, at isaisip sa lahat ng sandaling gising sila. Walang hindi kasali sa mga utos na ito.


Kasama dito ang responsibilidad ng mga mamamayan ng Diyos sa mga taong limitado ang kakayahan o hindi nabibigyan ng mga pagkakataon dahil sa kakulangan o kahirapan. Sinasabi sa atin ng Diyos na sa bawat sandaling gising tayo, dapat nating tandaan ang magpakita ng kabutihan at pagiging bukas sa mahihirap.


𝟭. 𝗠𝗮𝗴𝗶𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗯𝘂𝘁𝗶 𝘁𝗮𝘆𝗼 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗺𝗮𝗵𝗶𝗵𝗶𝗿𝗮𝗽 𝘀𝗮 𝗮𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗸𝗼𝗺𝘂𝗻𝗶𝗱𝗮𝗱

“𝘒𝘶𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘩𝘪𝘳𝘢𝘱 𝘴𝘢 𝘣𝘢𝘺𝘢𝘯 𝘯𝘪𝘯𝘺𝘰, 𝘴𝘢 𝘭𝘶𝘱𝘢𝘪𝘯𝘨 𝘪𝘣𝘪𝘯𝘪𝘣𝘪𝘨𝘢𝘺 𝘴𝘢 𝘪𝘯𝘺𝘰 𝘯𝘨 𝘗𝘈𝘕𝘎𝘐𝘕𝘖𝘖𝘕 𝘯𝘢 𝘪𝘯𝘺𝘰𝘯𝘨 𝘋𝘪𝘺𝘰𝘴, 𝘩𝘶𝘸𝘢𝘨 𝘬𝘢𝘺𝘰𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘨𝘪𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘳𝘢𝘮𝘰𝘵 𝘴𝘢 𝘬𝘢𝘯𝘺𝘢.” 𝗗𝗘𝗨𝗧𝗘𝗥𝗢𝗡𝗢𝗠𝗜𝗢 𝟭𝟱:𝟳


Ipinaalala ni Moises sa mga Israelita na titira sila sa lugar na ibibigay ng Diyos sa kanila. Hindi nila ito makukuha sa sarili nilang yaman o kapangyarihan. Bilang tugon sa biyayang ito, ang kanilang mga puso ay dapat na maging malambot at bukas-palad sa sinuman sa mga mamamayan ng Diyos na nangangailangan ng mga bagay na kaya nilang ibigay. Sa palagay mo, paano mo natututunang maging mabuti sa mga nangangailangan? 


𝟮. 𝗠𝗮𝗴𝗶𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗽𝗮𝗴𝗯𝗶𝗴𝗮𝘆 𝘁𝗮𝘆𝗼 𝘂𝗽𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗮𝘁𝘂𝗹𝘂𝗻𝗴𝗮𝗻 𝘀𝗶𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗸𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝗴𝗮𝗻𝗴𝗮𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴𝗮𝗻.

“𝘒𝘶𝘯𝘥𝘪 𝘮𝘢𝘨𝘪𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘱𝘢𝘨𝘣𝘪𝘨𝘢𝘺 𝘬𝘢𝘺𝘰 𝘢𝘵 𝘱𝘢𝘶𝘵𝘢𝘯𝘨𝘪𝘯 𝘯𝘪𝘯𝘺𝘰 𝘴𝘪𝘺𝘢 𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘯𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘱𝘢𝘯𝘨𝘢𝘯𝘨𝘢𝘪𝘭𝘢𝘯𝘨𝘢𝘯.” 𝗗𝗘𝗨𝗧𝗘𝗥𝗢𝗡𝗢𝗠𝗜𝗢 𝟭𝟱:𝟴


Ang utos ng Diyos ay hindi nagtatapos sa pagpapakita ng awa at kabutihan. Hindi lang ito tungkol sa pag-uugali natin at nangangailangan ito ng pagkilos natin. Kailangang bukas ang mata ng mga Israelita at mapansin nila ang mga pangangailangan ng kanilang mga kapatid sa Panginoon. Hindi nila dapat balewalain ang mga nangangailangan o sabihin na wala silang pakialam. Bilang isang komunidad, dapat ay sapat ang ibinibigay nila para mapunan ang mga pangangailangang iyon. Anong mga pangangailangan ang nakikita mo sa iyong paligid? Ano ang mga pwede mong gawin?


Sinasabi sa atin sa Deuteronomio 7:6–11 na bilang mga mamamayan ng Diyos, natanggap natin ang Kanyang kaligtasan at presensya hindi dahil may ginawa tayo para maging karapat-dapat sa mga ito. Sa halip, ito ay dahil sa una Niya tayong minahal at mahal Niya tayo anupaman ang mangyari. Libre natin itong natanggap dahil binayaran na Niya ang halaga para makapamuhay tayo sa seguridad na dala ng Kanyang kaligtasan. Wala nang mas mabigat pang dahilan bukod dito para magpakita tayo ng kabutihan sa ating kapwa.


𝗔𝗣𝗣𝗟𝗜𝗖𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡

• Ano ang sinabi ni Moises tungkol sa pagiging mapagbigay sa mga nabanggit na talata? Paano mo ito magagamit sa buhay mo?

• Ibinigay ang utos na ito sa mga Israelita noong malapit na silang makapasok sa Lupang Ipinangako pagkatapos silang palayain ng Diyos sa pagkaalipin. Ano ang pagkakapareho ng kwento nila sa kwento natin bilang mga mamamayan ng Diyos na nasa ilalim ng bagong tipan kay Cristo? 

• Ano ang pag-uugali na dapat mayroon ang mga Israelita sa mga nangangailangang mamamayan ng Diyos? Anong pag-uugali ang dapat mayroon tayo sa mga nangangailangan nating kapatid kay Cristo? Ano ang isang hakbang na magagawa mo ngayong linggo para matugunan ang pangangailangan ng isang tao?


𝗣𝗥𝗔𝗬𝗘𝗥

• Pasalamatan ang Diyos sa pagiging mapagbigay Niya sa mga Israelita at sa atin na mga anak Niya.

• Ipanalangin na palambutin ng Diyos ang puso mo at buksan ang iyong mga palad para maging mapagbigay ang pag-uugali at pamumuhay mo.

• Hilingin sa Diyos na gawin ka Niyang pagpapala at daanan ng Kanyang pagmamahal ngayong linggo.