icon__search

Hindi Tunay na Ginto

Week 1

𝗪𝗔𝗥𝗠-𝗨𝗣

• Ano ang isang bagay na hindi ka mabubuhay kung wala sa iyo? Bakit?

• Magkwento tungkol sa isang bagay na kakabili mo pa lang na maaaring humigit o mas mababa sa inaasahan mo? Ano ang nangyari?

• Ikaw ba ang isang klase ng taong matipid at gustong laging mag-ipon? Bakit o bakit hindi?


𝗪𝗢𝗥𝗗

𝘚𝘪𝘯𝘢𝘣𝘪 𝘬𝘢𝘺 𝘑𝘦𝘴𝘶𝘴 𝘯𝘨 𝘪𝘴𝘢 𝘴𝘢 𝘬𝘢𝘳𝘢𝘮𝘪𝘩𝘢𝘯, “𝘎𝘶𝘳𝘰, 𝘴𝘢𝘣𝘪𝘩𝘪𝘯 𝘯𝘨𝘢 𝘱𝘰 𝘯𝘪𝘯𝘺𝘰 𝘴𝘢 𝘬𝘢𝘱𝘢𝘵𝘪𝘥 𝘬𝘰 𝘯𝘢 𝘪𝘣𝘪𝘨𝘢𝘺 𝘯𝘪𝘺𝘢 𝘴𝘢 𝘢𝘬𝘪𝘯 𝘢𝘯𝘨 𝘣𝘢𝘩𝘢𝘨𝘪 𝘬𝘰 𝘴𝘢 𝘮𝘢𝘯𝘢 𝘯𝘢𝘮𝘪𝘯.” 𝘚𝘶𝘮𝘢𝘨𝘰𝘵 𝘴𝘪 𝘑𝘦𝘴𝘶𝘴, “𝘒𝘢𝘪𝘣𝘪𝘨𝘢𝘯, 𝘵𝘢𝘨𝘢𝘩𝘢𝘵𝘰𝘭 𝘣𝘢 𝘢𝘬𝘰 𝘰 𝘵𝘢𝘨𝘢𝘩𝘢𝘵𝘪 𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨-𝘢𝘢𝘳𝘪 𝘯𝘪𝘯𝘺𝘰?” 𝘗𝘢𝘨𝘬𝘢𝘵𝘢𝘱𝘰𝘴, 𝘴𝘪𝘯𝘢𝘣𝘪 𝘯𝘪𝘺𝘢 𝘴𝘢 𝘬𝘢𝘯𝘪𝘭𝘢, “𝘔𝘢𝘨-𝘪𝘯𝘨𝘢𝘵 𝘬𝘢𝘺𝘰 𝘴𝘢 𝘭𝘢𝘩𝘢𝘵 𝘯𝘨 𝘶𝘳𝘪 𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘴𝘢𝘬𝘪𝘮𝘢𝘯, 𝘥𝘢𝘩𝘪𝘭 𝘢𝘯𝘨 𝘣𝘶𝘩𝘢𝘺 𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘰 𝘢𝘺 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘯𝘢𝘴𝘶𝘴𝘶𝘬𝘢𝘵 𝘴𝘢 𝘥𝘢𝘮𝘪 𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘯𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨-𝘢𝘢𝘳𝘪.” 𝗟𝗨𝗖𝗔𝗦 𝟭𝟮:𝟭𝟯–𝟭𝟱


(Basahin din ang 𝗟𝗨𝗖𝗔𝗦 𝟭𝟮:𝟭𝟲–𝟮𝟭.)


Ang kayamanan at mga pag-aari ay mga paksa na hindi madaling pag-usapan. Sa buong kasaysayan, makikita natin ang epekto ng kawalang-kasiyahan at paghahangad na magkaroon ng mas marami pa sa kung ano ang mayroon tayo, na ang ugat ay kasakiman at pagiging makasarili. Ang ating pamilya at mga ugnayan ay nasisira, ang ating moralidad ay nasasakripisyo, at ang mga prayoridad at debosyon natin ay lumilihis ng landas. Hindi naiiba ang nangyari sa isang lalaki na lumapit kay Jesus habang Siya ay nagtuturo sa maraming tao sa Jerusalem. Ang lalaking ito ay umapila sa awtoridad at impluwensiya ni Jesus na pag-usapan ang isang sensitibong paksa sa kanilang pamilya. Siya, at ang iba pang naroon, ay binigyan ni Jesus ng talinghaga tungkol sa isang mayamang hangal. Sa araw na ito, tingnan natin kung paano tayo hinihikayat ng Diyos na isipin ang mga bagay na higit pa sa ating kayamanan at mga pag-aari.


𝟭. 𝗔𝗻𝗴 𝗯𝘂𝗵𝗮𝘆 𝗮𝘆 𝗵𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗯𝗶𝗻𝘂𝗯𝘂𝗼 𝗻𝗴 𝗸𝗮𝘀𝗮𝗴𝗮𝗻𝗮𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗮𝗿𝗶-𝗮𝗿𝗶𝗮𝗻.

𝘗𝘢𝘨𝘬𝘢𝘵𝘢𝘱𝘰𝘴, 𝘴𝘪𝘯𝘢𝘣𝘪 𝘯𝘪𝘺𝘢 𝘴𝘢 𝘬𝘢𝘯𝘪𝘭𝘢, “𝘔𝘢𝘨-𝘪𝘯𝘨𝘢𝘵 𝘬𝘢𝘺𝘰 𝘴𝘢 𝘭𝘢𝘩𝘢𝘵 𝘯𝘨 𝘶𝘳𝘪 𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘴𝘢𝘬𝘪𝘮𝘢𝘯, 𝘥𝘢𝘩𝘪𝘭 𝘢𝘯𝘨 𝘣𝘶𝘩𝘢𝘺 𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘰 𝘢𝘺 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘯𝘢𝘴𝘶𝘴𝘶𝘬𝘢𝘵 𝘴𝘢 𝘥𝘢𝘮𝘪 𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘯𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨-𝘢𝘢𝘳𝘪.” 𝗟𝗨𝗖𝗔𝗦 𝟭𝟮:𝟭𝟱


Sa talinghaga ni Jesus, ang mayamang hangal ay nag-aalala lamang tungkol sa pagkuha ng kayamanan para sa kanyang sarili, at nalimutan niyang ang Diyos ang Siyang nagbibigay ng abilidad para makagawa ng kayamanan (Deuteronomio 8:18). Siya ay nakatuon lamang sa kanyang personal na kasaganaan. Wala siyang kamalay-malay na magwawakas ang buhay niya sa gabing iyon, at hindi na niya mararanasan ang anumang kasiyahang dala ng kayamanan niya. Binalaan ni Jesus ang mga tao na ang mayamang hangal ay katulad ng iba na iniisip lamang ang kanilang sarili at mahirap sa paningin ng Diyos (Lucas 12:21). Walang masama sa pagiging mayaman o pagkakaroon ng kayamanan. Sa katunayan, ito ang paraan upang tayo ay makapagbigay sa iba (2 Corinto 9:11). Ngunit kung tayo ay nakatuon sa kayamanan at hindi sa gawain ng Diyos, hindi natin mararanasan ang ganap na buhay. Ayon sa Juan 10:10, saan natin makikita ang buhay na ganap?


𝟮. 𝗧𝗮𝘆𝗼 𝗮𝘆 𝗺𝗮𝗴𝗸𝗮𝗸𝗮𝗿𝗼𝗼𝗻 𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝗮𝗻𝗮𝘄 𝗻𝗮 𝗵𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗹𝗮𝗺𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝗴𝗺𝗮𝘁𝗮𝗴𝗮𝗹𝗮𝗻, 𝗸𝘂𝗻𝗱𝗶 𝗽𝗮𝗻𝗴𝘄𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴-𝗵𝗮𝗻𝗴𝗴𝗮𝗻. “𝘎𝘢𝘯𝘺𝘢𝘯 𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘯𝘨𝘺𝘢𝘺𝘢𝘳𝘪 𝘴𝘢 𝘵𝘢𝘰𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘨𝘱𝘢𝘱𝘢𝘺𝘢𝘮𝘢𝘯 𝘴𝘢 𝘴𝘢𝘳𝘪𝘭𝘪 𝘯𝘨𝘶𝘯𝘪𝘵 𝘮𝘢𝘩𝘪𝘳𝘢𝘱 𝘴𝘢 𝘱𝘢𝘯𝘪𝘯𝘨𝘪𝘯 𝘯𝘨 𝘋𝘪𝘺𝘰𝘴.” 𝗟𝗨𝗖𝗔𝗦 𝟭𝟮:𝟮𝟭


Ano ang pagkakaiba ng pangwalang-hanggan at pangmatagalan? Ang pangmatagalan na bagay o kaisipan ay magkakaroon din ng katapusan. Noong namangha ang mayamang hangal sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian, buong pagmamalaki niyang inihayag na siya ay mamumuhay sa kaginhawaan nang maraming taon. Kahit wala namang masama sa kanyang ipinahayag, hindi ito ang kabuuan ng buhay. Higit pa sa pisikal at panlabas na bagay sa mundo, dapat din nating isipin ang tungkol sa ating kalooban, ang ating kaluluwa at ang walang hanggan. Ayon sa Mateo 6:33, paano natin mapapalago ang ating mga kaluluwa? Ano ang mga praktikal na bagay na iyong nagawa o ginagawa upang mapalago ang iyong kaluluwa?


𝗔𝗣𝗣𝗟𝗜𝗖𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡

• Bakit mahalaga na kilalanin ang Diyos bilang tagabigay ng abilidad upang tayo ay makagawa ng kayamanan? Paano ito makakaapekto sa plano mo at sa paraan mo ng paggamit ng iyong salapi?

• Pag-isipan ang Lucas 12:22–31 ngayong linggo. Paano mababago ng katotohanan mula sa salita ng Diyos ang iyong pananaw at saloobin pagdating sa iyong mga ari-arian?

• Mayaman ka ba sa paningin ng Diyos? Ano ang ibig sabihin nito para sa iyo at paano mo mapapalago ang iyong sarili sa bahaging ito ngayong linggo?


𝗣𝗥𝗔𝗬𝗘𝗥

• Pasalamatan ang Diyos dahil ibinigay Niya sa atin si Jesus, na Siyang tumutulong upang tayo ay maging mayaman sa paningin ng Diyos at mamuhay hindi lamang para sa kung ano ang ibinibigay ng mundo. Manalangin na maranasan mo ang masaganang buhay na ibinibigay Niya araw-araw.

• Humingi ng tulong sa Diyos para lalo mong maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng pagiging mayaman sa Kanya. Manalangin na habang ikaw ay nagtatrabaho at kumikita, ang pananaw mo sa buhay at pera ay manatiling pangwalang-hanggan.

• Ipanalangin na habang lumalago ang pagkakaroon mo ng tamang pananaw at pagkaunawa sa iyong pananalapi, patuloy kang gagamitin ng Diyos upang maging pagpapala sa iba at tulungan silang makilala Siya.